Archive for » October, 2010 «

Kuya…pwede bang magpadala?

Official entry to the 2010 Pinoy Expats Blog Awards (PEBA)
Winner: Top 9 OFW Supporters Category

“Kuya..Pilipino ka?”, tanong sa akin ng dalawang babae na nakilala ko sa isang grocery sa Mizra, Israel. “Kabayan” ang sagot ko. Abot sa tenga ang ngiti at halos yakapin ako nang malamang Pinoy ako. Agad nakipagkwentuhan, at nalaman ko na magdadalawang taon na sila doon bilang caregivers.  Nang marinig  nila na ilang araw lang ang ilalagi ko doon dahil sa isang training, ito ang sunod na tanong ng isa sa kanila, si Alma, “kelan ang uwi mo sa atin, Kuya..pwede bang magpadala?”.  Magpapadala daw ng pera. Laking gulat ko,  buong-buo ang tiwala, walang pag-aalinlangan na magbibitaw ng perang pinaghirapan para maipadala sa pamilya sa Pilipinas.  Hindi naman ako tumanggi, kahit alam kong napakalayo ng Alaminos, Pangasinan mula sa Maynila.  Sayang naman daw ang matitipid nila kung sa Maynila ko ihuhulog via Western Union kaysa kung magmumula sa Israel.  Kaagad na din silang nagpaalam at isang yakap na mahigpit ang iniwan nila sa akin.  Parang sasabog ako noon sa pinaghalong tuwa at lungkot.  Ramdam ko ang pananabik nila sa pamilya.

Isa lamang si Alma sa mga OFWs na nakilala ko. At nais kong ibahagi ang kwento ng iba pang OFW/Expats na nakilala o nakasama sa mga byahe ko.  Bago ito, produkto din ako ng OFW. Nakapagtapos ako ng pag-aaral sa tulong ng kapatid ko na matagal din na naging OFW.  Nangarap na akong magbyahe, nakakamangha kasi ang mga nakikita kong magagandang lugar sa bawat larawan na pinapadala noon ng kapatid ko. 

Isa na si Flor, matalik na kaibigan.  Napadpad sa New Zealand para hanapin ang sarili.  Nakabyahe ako ng New Zealand dahil sa kanyang imbitasyon sa kanyang kasal, masaya ang buhay ni Flor pero hindi biro ang adjustments nya sa bagong buhay.  Naiba man ang kanyang mundo subalit patuloy pa rin ang suporta nya sa naiwang pamilya sa Pilipinas.

Si Archie, isa pang matalik na kaibigan.  Sa Amerika naman ang byahe, pero dahil sa nag-aaral pa ang mga anak ay kinailangang maiwan pansamantala. “Men, bahala na kayo ni Don (isa pang kaibigan) sa mga bata. Tsaka papasyalan n’yo naman ako ‘di ba?” Ito ang mga salita ni Archie nang ihatid namin sya sa airport.  Naalala ko nga noong Ondoy, lubog sa baha ang Cainta. “Men, ang mga bata, 3 steps na lang aabutan na sila, ang Mama lang ang nasa bahay, baka pwedeng tulong”.  Wala din akong magawa noon kasi hanggang leeg din ang baha sa bahay namin.  Ramdam ko noon ang sobrang pagkabahala ni Archie, sobrang hirap nga ng malayo sa pamilya. Pero dahil kay Archie at sa kanyang asawa, kaya ako nakagala ng Amerika, dalawang beses pa, akalain mo!

Si Andrew, anak na panganay ng ate ko, kakatapos lang ng kolehiyo, agad nagpaalam para mag-abroad.  Malakas ang loob kasi ang tatay naman ay nasa Qatar, pero malayo naman ang Qatar sa UAE.  Kailangan daw eh, mababa ang sweldo dito sa Pilipinas.  Walang isang linggo, nakakita agad ng trabaho, at totoo nga, niyabang pa ako, “Tito, mas malaki pa sweldo ko sa’yo!”  Taragis! Invite mo na lang ako dyan sa bayan ng mga Arabo!

Si Betsy, si Teddy at si Evelyn, mga kaibigan at dating kaopisina.  Mga expats sa isang international NGO. Si Betsy nagsimula sa Cambodia na ngayon ay nasa Amerika na. Si Evelyn matagal din ang inilagi sa Jakarta. Si Teddy naman hanggang ngayon ay nasa Cambodia pa.  Sumubok din ako mag-apply ng trabaho sa Cambodia, pero sa bata kong edad noon, hindi ako pumasa, ang problema kasi, ang magiging staff ko ay mas matatanda pa sa akin. Mahirap ang kanilang kultura, kaya nagpasya akong bumalik na lang sa Pilipinas.

Si Issa, nagsimulang mag-care giver sa HK, sinuwerte at isinama ng employer sa Canada at ngayon ay isa na syang permanent resident doon. Balang araw makakagala din ako sa Canada haha!

Nagala ko naman ang buong Nazareth dahil kay Arlene, isang cebuano na nakita ko naman sa Haifa, Israel pa din.  Hindi pa daw nya nagagala ang Nazareth kahit magdadalawang taon na sya doon.  Dahil din daw sa hirap ng buhay kaya sya nagpumilit mag-abroad.  Caregiver sya doon.  At dahil sa pananabik sa Pinoy, nakuha pa akong ilibre sa lunch at samahang ikutin ang Nazareth. Nakakamiss daw kasi ang pamilya, ang magsalita ng tagalog, at ang Pilipinas.

Si Rogel, isang TNT sa Korea na nakasalubong ko sa isang istasyon ng tren habang ako’y nawawala sa kakagala. “Kabayan”, walang tanong tanong kasi Pinoy na Pinoy naman ang itsura ko.  “TNT” ka ba dito?  Hindi ang sagot ko. Bakit daw hindi pa ako mag-TNT, malaki daw ang kikitain ko.  Gustuhin ko man eh baka mahuli agad ako.  Mahirap ang TNT, literally nga na tago-ng tago. Ayoko naman ng ganun, pano na ang mga byahe ko?

Si Cristina, kaibigan at dating kaopisina, Australia naman ang drama haha, maswerte si Cristina kasi buong pamilya kasama nya.  At maswerte din ako kasi libre ang tirahan ko kung babalik ako sa Australia.

Si Anne, volunteer sa isang NGO sa Japan, 5 years na sya doon. Kasama ko nga lang sya noong isang linggo, sa bahay nila ako nakitira.  Sila ang tumutulong sa mga Pilipinang inaabuso ng mga Hapon.  Mentally at physically exhausting ang work ni Aanne, kaya nga sya uuwi na para magpahinga muna.  Marami akong naikot at naintindihan sa Japan dahil kay Anne.  Domo arigato Anne!

Si Fr. Oscar, isang pari sa isang parokya sa Tokyo. Kasamahan din sya ni Anne, natikman ko ang authentic japanese noodles at sushi dahil sa panglilibre ni Fr. Oscar.  Natatangi man ang kanyang misyon,  pero sa mga kwento nya, namimiss pa din nya ang pamilya sa Pilipinas.

Si ate Nyrissa, pinsan kong OFW sa Japan.  Mahigpit ang yakap nya sa akin noong binisita ko sya noong April.  “Hindi ka naligaw? Buti ka pa, kabisado mo na ang train”.  Matagal na kasi sya sa Japan pero di din sya nakakapasyal dahil sa trabaho at mga anak.  Miss na daw nya ang mga kapatid at magulang na naiwan sa Pilipinas. Ramdam ko din ang pananabik nyang umuwi. Isang 100Yen na coin ang iniabot sa akin ng kanyang bunsong anak, souvenir daw.

Marami na din akong nakilalang mga bloggers na OFW, tulad nina Bon, Dencio, at Toper.  Si bonistation ang naghikayat sa akin kaya merong BATANGMANGYAN.COM, kaya ako nagsusulat at nagkukuwento ngayon, s’ya ang mentor ko dito sa blogosphere.  Ibat-iba man ang dahilan nila kung bakit sila nagtatrabaho sa abroad, sigurado akong lahat ay para sa pamilya ang kanilang sakripisyo.

Patuloy ang byahe ko, at sa mga nakilala ko sa aking paglalakbay, saludo ako sa inyong lahat.  Sa mga sandaling tayo ay nagkasama at nagkakwentuhan, alam kong kapalit noon ay konting saya ang inyong nadama.  Pero lingid sa inyo, ako ang sobrang nakinabang, malaki ng nagawa nyo sa akin, na iparamdam at ipamalas ang tunay na kalagayan ng isang OFW, ng taong malayo sa pamilya, isa itong napakalaking inspirasyon. Kahit anong oras man akong mangibang bansa, maging OFW man o hindi, ay dala-dala ko ang mga kwento ng katatagan, pagmamalasakit at pagmamahal sa pamilya, sakripisyo, at tunay na pagpapahalaga sa lahat ng bagay na mayroon ako.

Ang pagsali ko sa PEBA ang naisip kong daan para magpasalamat sa inyong lahat. Ipamalas sa buong mundo ang paghanga at pagsuporta hindi lamang sa inyo, maging sa lahat ng OFW at expats, saang sulok man ng mundo. Saludo ako sa inyong mga sakripisyo na naging sandata n’yo upang patibayin pa ang pamilyang Pilipino. At sana sa mga susunod ko pang byahe ay mas marami pa ang taong makikilala ko. Mabuhay kayong lahat! Mabuhay ang pamilyang Pilipino!

“Tao po! Dito po ba ang bahay ni Alma Feliciano? May pera pong padala si Alma, hindi ko na po inihulog sa Western Union, gusto ko po kasi kayo makilala at maikwento ang masayang pagkikita namin ni Alma sa Mizra.”

***

Para po sa inyong malayang pagboto sa Pinoy Expats Blog Awards 2010 maari po kayong bumisita sa www.pinoyblogawards.com. Ang artikulong ito ay nasa bilang labing siyam (#19 -BatangMangyan -Manila) sa kategoryang  Philippine-Based Nominees – OFW Supporters.

Maari nyo rin pong ibahagi ang kwentong ito sa pamamagitan ng Facebook.

Si Argee, Si Lexer, At si Dominic

Tara na byahe tayo. Puro byahe ang kwento ng Blog ko, naisip ko ang byahe ng buhay ng tatlong taong malapit sa puso ko. Ibat-ibang byahe ang naghihintay kina Argee, Lexer at Dominic. Kwento ng totoong buhay ng 3 anak ng ate ko, kwento ng katatagan, pag-asa, pagtanggap sa katotohanan, lubos na pang-unawa, at higit sa lahat, pang-unawa sa mga taong kapos ang pang-unawa. Sino ang maswerte? Sino ang malas?

Si Argee, Si Lexer, at Si Dominic

Tatlong magkakapatid, sabi ng marami, magkakaiba ang mundo; sabi ng mas marami, malas; pero sabi ko naman, at sa paniniwala ng buong pamilya, sila ay espesyal, maswerte at pinagpala. pero mukhang mahirap tanggapin o gawing swerte ang sa tingin at akala ng nakakarami ay malas at mga kawawang nilalang. Hindi rin..maniwala kayo madali lang.

Sisimulan ko ang kwento kay Argee. Natatandaan ko, magdadalawang taon na s’ya noon pero wala pang nasasabi. Sabi ng duktor sa probinsya, “delayed speech” lang. Pero ganun pa din nang 3 taon na s’ya, apat, wala pa din nasasabi, hindi lumilingon pag tinatawag. Hindi nagugulat. Tumatawid kahit nakakabingi na ang busina ng jeep. May problema si Argee, sabi ng duktor sa Maynila, “deaf and mute” si Argee, hindi natinag ang ate ko, “eh ganun eh, ‘yan ang binigay sa atin, eh di tanggapin”. Sinong nga ba’ng may gusto na isilang s’yang pipi at bingi? Maraming laboratory tests, at syempre magastos, hindi naman kami mayaman. Pero naigapang ang daang libong pisong hearing aid, nakapag-aral sa isang SPED, pero kinalaunan, wala namang naitulong ang hearing aid, malaking gastos lang. Huminto sa school, nahihiya sa kalagayan, at kahit pala anong suporta ng buong pamilya ang ipakita mo sa taong may kapansanan, may pagkakataon na mahirap talunin at lampasan ang pwersa ng mas maraming tao sa paligid na karamihan sa kanila ay kapos sa pang-unawa.

27 years old na ngayon si Argee, kahit hindi sapat ang napag-aralan, lumaki naman syang maayos. Mahilig din sa text, friendster, at facebook. Minsan maraming tumatawag, hinahap si Argee, pag sinabi kong pipi si Argee, ibabagsak na ang telepono. Ayos! Akala siguro naka-jackpot na, guwapo nga naman kasi si Argee, at syempre ‘di naman malalaman sa facebook kung pipi ka kung hindi mo sasabihin. Pero para sa akin maswerte pa din si Argee, bakit? Mamaya na ang sagot sa huli.

Si Lexer. May problema din ba siya? Walang problema si Lexer. Maswerte din si Lexer, sabi nga ng mga dalubhasang duktor, “may sarili silang mundo”, eh di maswerte nga kasi akalain mo sarili n’ya ang mundo. Pangalawang anak ng ate ko si Lexer, guwapo din, mas guwapo pa kay Argee, haha. Pero isinilang si Lexer na may “autism”, isang sakit na hindi maipaliwanag ang dahilan. Kasama din ako sa duktor nang malaman ang kalagayan ni Lexer, 3 taon s’ya noon, wala din syang nasasabi, mabuti pa si Argee, marunong ng senyas, si Lexer ay walang pakialam. Hindi ko alam kung anong nararamdaman ng ate ko nang mga oras na ‘yun, “eh ganun ulit, wala tayong magagawa, bigay ‘yan sa taas, tanggapin, malay natin makapagbigay ng winning number sa lotto si Lexer eh di swerte”, parang sa movie na Mercury Rising, nakapg-decode ng isang national security code ang batang autistic. Pero ang tatay ni Lexer, “’di ko kayang tanggapin” ang sabi haha. Sabi din ng kapitbahay, malas daw, lahi daw kami ng mga abnormal, wow eh di bigatin kami sabi ko. Isa lang sinabi ko sa bayaw ko, tanggapin natin si Lexer para tanggapin din s’ya ng mundo. Pasukin natin ang mundo ni Lexer. Maswerte din ba si Lexer? Mamaya na din ang sagot!

Dahil sa halos kulang na sa oras sa pag-aalaga sa dalawang naunang anak, hindi na nasundan si Lexer, at isa pa baka kung susundan pa eh ganun na naman, di ba nga sabi ng kapitbahay, lahi kami ng abnormal haha. Pero lumipas ang 17 taon, may Dominic. Pero matindi pa sa butas ng karayum ang pinagdaan ni Dominic bago s’ya dumating sa mundo ni Argee at ni Lexer.

Umiiyak noon sa telepono ang ate ko habang ibinabalita na buntis s’ya. Sabi ko ba’t ka umiiyak? Eh dapat let’s celebrate, sa edad mong 42 eh nabigyan ka pa ng biyaya, napakaraming nagkakandarapa sa pagnonobena para lang magkaanak eh, ikaw ito pinagpapala. Pero alam ko naman kung bakit s’ya umiiyak eh, sa takot. Takot na baka isang kakaibang nilalang na naman ang dumating sa buhay n’ya at sa buhay namin. Pero tuloy ang buhay, kahit may mga nagsasabi na huwag ng ituloy pero itinuloy pa din.

Maayos ang kalagayan ni Dominic sa loob ng tyan ng ate ko, magaganda ang signs, ok na ok ang heartbeat, sabi nga daw ng duktor, malikot si Dominic. At talaga namang napakaswerte ni Dominic, akalain mo, nakaligtas si Dominic, sa edad na dalawang buwan sa loob ng t’yan, ay sumailalim ang ate ko sa isang mapanganib na operasyon, “diagnosed with cerebral aneurysm”, para maikli ang paliwanag, isang sakit na tulad ng nangyari kay FPJ, ang kaibahan, ang ate ko nakaligtas. Nagdecide kami na kung malalagay sa panganib ang buhay ng ate ko, eh masasacrifice si Dominic. Pero isang British-Canadian na duktor na s’yang gumawa ng operasyon ang nagsabi sa bayaw ko, “we are here to save lives, we will do everything to save both of them”, sarap pakinggan, at sa awa ng Dyos, pareho nga silang nakaligtas. Pero hindi pa rin nawala ang takot, kabi-kabila ang nobena sa lahat ng Santo at Santa na maging maayos si Dominic. Bakit pala Dominic? Dominic ang pangalang ng duktor na gumawa ng operasyon sa ate ko.

Siyam na buwan na kakaba-kaba ang lahat, pero doon ko naramdaman na pag buo ang tiwala, walang imposible. Isang napakalusog na Dominic ang dumating sa amin, malikot, maputi, laging nakangiti at higit sa lahat guwapo din syempre. Lahat ng tests normal, new-born screening, hearing, etc. lahat ay pasado si Dominic. Mag-iisang taon na si Dominic, may mga nasasabi na, nakakarinig at matalinong bata. Bawat tunog na nasasabi ay luha ng pasasalamat ang kapalit. Isang himala si Dominic. Maswerte nga ba si Dominic?

Para sa amin maswerte silang lahat. Maswerte si Argee, hindi nya naririnig ang masasamang salita na madalas ay naririnig ko sa mga taong hindi s’ya kayang unawain at tanggapin. Maswerte si Argee dahil hindi n’ya mabibigkas ang mga masasamg salita na maari n’ya sanang iganti sa kanila.

Maswerte si Lexer dahil solong solo n’ya ang mundo, na kahit kami ay hindi kayang agawin ang kanyang mundo. Maswerte si Lexer dahil imposibleng makagawa s’ya ng kasalanan sa’yo o sa akin. Maswerte si Lexer dahil buong-buo ang pagmamahal na binibigay sa kanya. Tulad din ni Argee, maswerte si Lexer na kahit anong reklamo ng kapitbahay, hindi n’ya ito maiintindihan. Naalala ko lang nang minsan kaming ipa-barangay ng kapitbahay sa kasalanang “nag-aalaga daw kami ng mga abnormal”. Malas lang nila, kakampi namin ang D’yos! Sabi nga ng isang kaibigang manunulat ng tula, “Lexer, kakalingain ka sa pagitan ng pahina ng mangha at di maapuhap. Ang aming kahinaan ng pang-unawa sumusuklob sa aming pagkukulang. Sa amin, ikaw ang matingkad na Salita ng Diyos sa kaganapan ng bawat nilikha.”

Maswerte si Dominic dahil isa s’yang biyaya. Biyaya na gagabay sa dalawa n’yang espesyal na kapatid pag nawala na kami sa kani-kanilang mundo, isang responsibilidad na sa tingin ko ay itinalaga ng tadhana. Maswerte si Dominic dahil kumpleto s’ya, nakakarinig, nakakapagsalita, masasabi ang nararamdaman. Maswerte si Dominic dahil s’ya ay magdiriwang ng kanyang unang kaarawan sa Cottolengo Filipino, isang ampunan ng mga batang espesyal na iniwan na ng kanilang mga magulang, imbitado kayo!

Maswerte din ang pamilya ko, akalain n’yo 2 out of 3 ay espesyal, di ba napakaswerte pag espesyal ka? Sa mga may espesyal na anak , kapatid, o pamangkin, huwag nyong pahirapin ang buhay, huwag nyo silang itago sa mga tao, sa halip ay ipakita n’yo na kaparte sila ng mundo natin. Pasukin n’yo ang kanilang mundo. Sabi ko nga madali lang gawing swerte ang inaakala ng iba na malas. Sapat na siguro ang mga detalye ng kwento nina Argee, Lexer at Dominic.

Ibat-iba man ang byahe ng buhay na naghihintay kina Argee, Lexer at Dominic, iisa lang ang kailangan ng bawat isa sa kanila, ang tunay na pagtanggap, sa ingles “acceptance”, kailangan kong i-translate kasi baka sakaling madaling intindihin sa ingles, haha. Ang “pagtanggap” ang nagpapatibay at nagpapatatag para malampasan ang anumang klaseng hamon ng buhay.

 

Maraming salamat sa DMCI Homes at Alta Vista na siyang tumatayong sponsor nang Saranggola Blog Awards