Ang Batang Mangyan

Sa wakas, nakaisip na din ako ng mas angkop na pangalan ng aking “blogsite” matapos ang halos isang taon na pagbabalak magsulat at magbahagi ng mga kwentong inaasahan kong maaaring kapulutan ng mabubuting aral at mahahalagang impormasyon – putek may kalaliman na ito!  Balik sa “batang mangyan”,  bakit nga ba batang mangyan?  “ay aba’y awan ko!” – naalala ko tuloy madalas na sagot ng tatay ko noong nabubuhay pa s’ya, pag may tanong ako na di n’ya alam sagot – ay aba’y awan anak.

Bakit nga ba batang manyan?  naisip ko lang — wala man akong dugo o lahing mangyan, wala naman talaga kasi ang tatay eh Batangueño, ang nanay naman eh tubong kapangpangan…but am really proud to say that I am — wait, english na ito, pero sa isang banda, mas maikli ang kwento kung ingles..pero Pilipino ako, at mangyan nga eh, huwag na nga ang ingles kasi, at tsaka isinilang naman ako sa isang isla sa may timog katagalugang Luzon, pinalad makapagtapos sa isang unibersidad na “advocate” (sensya naman, di ko alam tagalong sa advocate, haha) sa paggamit ng wikang Pilipino – kaya tagalog na nga dapat eh.

Eh bakit na nga batang mangyan??  namulat kasi ako sa mundo ng mga mangyankapatid nating mangyan sa Mindoro – kung tawagin nga sa ingles ay “indigenous, native, aboriginal, etc.”, na masasabi kong mga simpleng tao, may paniniwala at paninindigan, kuntento sa kahit anong meron sila.  Eh ganon ba kaya ako? hindi ako sigurado…basta ang alam ko simple akong tao.  Marami akong natutunan sa mga batang mangyan:  ang pagiging kuntento kung anong meron; ang pagsusumikap sa buhay, pagpapahalaga sa kalikasan, ang pagiging maagap, pagmamahal sa kapwa mangyan, maging ang pangangalakal o simple trading, natutunan ko din.   Natatandaan ko noong bata pa ako, halos linggo-linggo, maraming kamote, kamoteng kahoy, pinakamagagandang wild orchids, ‘yan ang mga dala-dala nila sa bahay namin, ipapalit sa damit, kanin, bigas, at sa pinakagusto nilang sardinas.   Marami din ang nagsasabi na tuso ang mga mangyan, pero para sa akin, ‘di ko man naiintindihan pa noon, tuso sila kasi gusto nilang mabuhay, hindi para manglamang sa kapwa.   Higit sa lahat, nakita ko sa mga batang mangyan kung paano sila mangarap at umasa na may magandang bukas.

Pero malaki na ang ipinagbago ng mga mangyan sa Mindoro.   Marami na sa kanila ang nakakapag-aral, nakakapagtapos, may duktor, abogado, nurse, atbp.   Halos wala na rin makikitang nakabahag, hindi mo na rin malalaman kung sino ang mangyan, nakakatuwang isipin na kabilang na silang namumuhay sa isang sibilisadong komunidad.

Ayun naman pala, kaya batang mangyan, eh bakit bata? Dapat mangyan na lang…eh gusto ko eh bata ..hayaan n’yo na..hindi ko na kaya maipaliwanag..basta ganun – “Batang Mangyan” – simpleng tao.

Marami akong gustong ikwento, kwento ng buhay, mga ibat-ibang karanasan at kung anu-ano pang kwento.  Pero marami na rin kasi nahahambing sa kwento ng buhay ko, sawa na rin ako sa drama ng buhay, mala-telenobela kasi ang kwento ng buhay, kaya naisip ko na lang na ibahagi dito ang masasayang kwento tungkol sa mga paglalakbay ko.   Mahilig ako maglakbay, natutunan ko din sa mangyan.   Masarap maglakbay, masaya, minsan nakakapagod, (magastos nga lang din, pero sulit), at ang pinakamahalaga – marami tayong matututunan sa paglalakbay – ibat–ibang lugar, tao, wika, kultura at ibat-ibang  karanasan.   Gusto ko lang ibahagi dito ang mga kwento ng aking paglalakbay – ito ang travel blog ng batang mangyan.

Tara na, byahe tayo.  Samahan n’yo akong ikutin ang Mindoro.  Ikutin natin ang Pilipinas.  Ikutin natin ang Mundo.  Isang maligayang paglalakbay!

 “It’s not just the destination, it’s the journey.”